Sana alam ng lahat,
Kung paano minsan magalit nang tunay.
Para walang nananahimik at ngumingiti pa rin,
Sa kabila ng masamang loob na tinataglay.
Sana alam ng lahat,
Kung paano minsan sabihin ang mga bagay na nais nilang sabihin.
Para katakutan naman sila,
Bigyan ng paggalang,
At pantay na pagtingin.
Kapag nakakasalamuha mo,
Ang iba't ibang uri ng tao,
Base sa katayuan at yaman na mayroon,
Kahit sabihin mong magkakaibigan kayo,
Lalabas at lalabas pa rin ang inyong mga estado.
Ang nakatuntong sa mataas na bahagi ng piramide,
Kahit maliit pa 'yan sa pisikal na anyo,
Naaabot maya't maya at walang hirap na nagagawa,
Ang paggulo sa buhok ng isang matangkad at ordinaryong tao.
Ang nakatuntong sa mataas na bahagi ng piramide,
Kahit maliit pa 'yan sa pisikal na anyo,
Natatangkaran naman lagi ang ipon,
Ng mga laging kapos na mga mas matatangkad at ordinaryong tao.
Ang nakatuntong sa mataas na bahagi ng piramide,
Nakapagsasalita ng lahat ng bagay na nais sabihin sa'yo.
Walang pagtikom ng bibig, hindi naiisip ang sitwasyon
Akala niya ganoon lang iyon kadali para sa lahat ng tao.
Pero para sa akin,
Nasa paguugali pa rin iyon.
Kahit mayaman ka, kahit mahirap ka
Kung tunay kang makisama at sensitibo sa mararamdaman ng iba
Hindi kakailanganin ang pananahimik
Hindi na dadanasin ang impit na paghibik
Ng mga nakakasalamuha mo.
Walang napagsasamantalahan,
Lahat maayos ang buhok.