Sunday, February 21, 2010

‘Huwag Mo Akong Gawing Tanga’




Ang seryoso ng statement na ‘huwag mo akong gawing tanga’.  Naririnig ko nga madalas sa mga teleserye bilang linya ng mga artista.  Sa sitwasyon na ganoon, alam kong ang ibig sabihin ‘nun eh alam na ng kausap mo ang binabalak mo kaya hindi na siya dapat mag-deny o magpalusot pa.

Pero lately, naririnig ko na rin ito sa ibang sitwasyon.  Sinasabi ito sa akin kapag nagsasabi ako ng isang impormasyon (pwedeng kung paano gawin ito, ano mangyayari kapag ganiyan, etc.) na gusto ko lang naman i-share kasi akala ko hindi pa alam ‘nun tao.  Wala namang halong panggigil kapag nagsasabi ako ng impormasyon o kung meron man, nanggigil ako dahil gusto ko lang naman malaman ng kausap ko ‘yung nalalaman ko with excitement at walang hidden message na ‘ano ba, bakit hindi mo maisip ‘yun?!’  o ‘yun lang, hindi mo pa alam?!’

Na-shock ako noong una akong sinabihan ‘nun. Like, anong kasalanan ko, hindi ko naman ginagawang tanga ‘yung tao, sinasabi ko lang. Hindi ko naman alam na alam niya na pala ‘yung bagay na sinasabi ko.

Naisip ko tuloy, siguro kaya nila nasasabi ‘yun kasi ganun ang naiisip nila sa taong sinasabihan nila ng nalalaman nila. Na tanga ‘yung taong hindi alam ang alam nila tungkol sa isang bagay na parang napakadali lang para sa kanila.

‘Yung mga ganoong tao rin minsan, ‘yung kapag tinanong mo kung paano gawin ang isang bagay , tapos, hindi mo kagad na-gets, eh sasabihin sa’yo ‘Akin na nga!’ At sila na ang gagawa. Tapos kapag nakita mo na kung paano nila ginagawa ‘yung bagay na tinatanong mo, madali lang pala, iba lang ‘yung paliwanag nila sa inaasahan mong paliwanag sana nila kung ganoon pala ‘yung gusto nilang ipagawa sa’yo.  Tapos, kapag sinabi mong ‘Ah, ganun lang pala. Dapat kasi sinabi mo na lang ganito oh.’ Babarahin ka nila ng technicalities at kung anu-anong bagay na alam mo naman, pero it’s just that hindi ‘yun ang conversational explanation para sa’yo. Tapos, minsan, majority naman naiintindihan ka, sila hindi.

May mga pagkakataon din na kapag tinanong mo sila kung paano gawin ang isang bagay, hindi nila sasabihin sa’yo. Basta gagawin na lang nila ‘yung gusto mong mangyari. Hindi mo tuloy nalaman kung paano ba ginagawa ‘yun.  Halimbawa, tatanungin mo sila ‘Paano ba tanggalin ‘tong full screen?’  Imbes na sabihin sa’yo kung ano gagawin mo, ang gagawin nila, kukunin ang keyboard at pipindutin ang ‘Command-Ctrl-Return’. Siyempre, dahil mabilis ang mga pangyayari, hindi mo nakita ‘yung mga pinindot nila.  Gusto mong itanong, pero may nagsasabi sa’yo na ‘Tinanong mo na, friend.  Hindi nga sinabi sa’yo eh. I-discover mo na lang on your own.’  And that’s how I learned kung paano i-off ang full screen.

Ewan. Ang sakit lang talaga sa pagkatao kapag sinabihan ka ng ‘Huwag Mo Akong Gawing Tanga’ na ang dahilan ay hindi naman katulad sa mga teleseryeng napapanood ko.  Ewan ko kung nagjojoke lang ba sila kapag nagsasabi sila ng ganoon, pero kasi, palagay ko hindi.  Kasi, pagkatao nila ng ipinagtatanggol nila at feeling nga nila ginagawa mo silang tanga, so, hindi joke ‘yun kapag nasabihan ka na ng ganoon.

Siguro kasi, hindi nila alam o ayaw lang nila aminin, na ang tingin nila sa sarili nila ay alam na nila ang lahat o ‘di kaya na ang tingin nila sa sarili nila ay mas marami silang alam kaysa sa’yo.

Nakakainis na ang sama ng dating ng mga pinagsasabi ko.

Pero ganoon eh.

No comments:

Post a Comment